CAUAYAN CITY – Pinangunahan ng dalawang Ethiopian ang katatapos na 2024 Paris Marathon o Marathon De Paris.
Pinangunahan nina Mulugeta Uma at Mestawut Fikir na kapwa Ethiopian ang nasa limampung libong runners kung saan kabilang ang mahigit dalawandaang Pilipino.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Dick Villanueva na taon-taon ay dinodomina ng Ethiopian at Kenyan ang Marathon subalit buo parin ang loob ng mga Filipino Runners na matapos ang Marathon at makapasok sa Top 10.
Nakibahagi sa prestigious marathon event ang mga pulitiko, Celebrities at Paralympic athletes.
Naging mahigpit ang seguridad sa Marathon De Paris dahil maging gamit ng kawani ng Media ay sinuri at ipinagbawal ang sinuman na makapasok sa starting line.
Si Mulugeta Uma, na naka-apat nang marathon, ay binasag ang kanyang dating personal record ng higit sa 30 seconds matapos siyang magtala ng 2h 5min 33secs.
Nagawa niyang makalayo kay Titus Kipruto ng Kenya sa 2.5km lamang mula sa finish line.
Si Elisha Rotich ng Kenya ay nakuha ang ikatlong puwesto, habang ang nagdedepensang kampeon na si Abeje Ayana ng Ethiopia ay nasa ika-siyam na pwesto.
Si Mestawut Fikir, na first timer sa full marathon, ay nanalo sa women’s race sa loob ng 2h 20min 45sec, isang minuto lang mula sa race record.
Kaugnay nito maliban sa Marathon de Paris ay may ilang mga tourist destination ang dinadagsa ng mga turista sa Paris habang may ilan naman na matiyagang tinapos ang marathon para mamulot ng iba’t ibang accessories o marathon paraphernalia para pagkakitaan gaya ng mga wind breakers, sweat shirts, at t-shirts na itinapon na ng mga runner.
Samantala, full blast na ang paghahanda ng France para sa Paris Olympics at unti unti na ring nararamdaman ang mahigpit na seguridad.