--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng Cauayan City Police Station para malutas ang magkasunod na insidente ng pagbaril at pagpatay na naganap sa San Fermin at Linglingay, Cauayan City.

Unang naganap ang pagbaril at pagpatay noong nakaraang linggo sa truck driver na si Danilo Bramaje ng riding-in-tandem na kanyang nakasagutan matapos muntik na mahagip ang sinasakyan nilang motorsiklo.

Naganap naman ang pamamaril sa Linglingay, Cauayan City dakong alauna  ng madaling araw noong Mayo 22, 2022.

Ang biktima ng pamamaril ay si Ernesto Butac, residente ng Purok 5, Buyon, Cauayan City.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt. Col Sherwin Cuntapay, hepe ng Cauayan City Police Station na nagpaupa si Butac ng sound system sa barangay Linglingay.

Agad silang nagtungo sa lugar kasama ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) at mga intelligence operatives.

Sinabi ni PLt Col. Cuntapay na  inaalam pa nila ang motibo sa pagpatay kay kay Butac.

Malaking bagay aniya ang impormasyon na maibibigay ng sinumang gustong maging testigo.

Mayroon na silang gabay ngunit kailangan pa ng mas malalim na pagsisiyasat.

Pupuntahan ng mga pulis ang pamilya ni Butac para makunan ng pahayag ang kanyang misis.

Tiniyak ni PLt Col Cuntapay na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa Cauayan City.

Katuwang nila ang Public Order and Safety Division (POSD) at Tactical Operations Group (TOG2) ng Philippine Air Force (PAF) ngunit sa lawak ng Cauayan City ay hindi mahahadlangan ang ganitong kaso ng pamamaril.

Ayon kay PLt Col. Cuntapay, mula noong election period ay kasama na nila sa pag-iikot sa kalunsuran ng ng Cauayan ang mga tauhan ng  TOG2 at  Kabalikat Civicom para sa pagpapanatili ng kaayusan.

Gumagawa na sila ng hakbang para malutas sa lalong madaling panahon ang dalawang kaso ng pamamaril sa lunsod.

Ang gun ban ay umiiral hanggang sa June 8, 2022 at patuloy ang 24/7 na operasyon ng mga Comelec checkpoint.