CAUAYAN CITY- Nadakip ng mga otoridad sa Nueva Vizcaya ang dalawang Iranian national matapos umanong nambudol sa isang money changer sa San Jose, Nueva Ecija.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Anthony Ayungo, hepe ng Solano Police station sinabi niya na may nagtungo sa kanilang himpilan para ireklamo ang umano’y pambubudol ng mga dayuhan na lulan ng isang sasakyan.
Agad umano silang nagsagawa ng hot pursuit operations katuwang ang Provincial Mobile Force Company at nahuli ang mga suspek sa Diadi, Nueva Vizcaya.
Napag-alaman na nagtanong umano ang mga suspek sa money changer na pag-aari ng biktima sa San Jose, Nueva Ecija.
Ayon sa biktima tinanong ng dalawang Iranian kung ano ang itsura ng 1,000 peso bill, 500 peso bill at 100 peso bill at dahil nagtiwala umano sa mga dayuhan ang biktima ay ipinapakita nito ang isang bundle ng pera.
Ibinalik naman umano nila ang bundle ng pera subalit napagtanto ng biktima na nagkulang ito ng Php4,000.00 kaya agad nagtungo sa himpilan ng pulisya upang iulat ang insidente.
Nagpadala na rin ng flash alarm ang Solano Police Station sa mga karatig himpilan ng pulisya kung saan napag-alaman sa Aritao Police Station na may naganap na kaparehong insidente sa kanilang nasasakupan matapos umanong tangayin ng mga suspek ang ang Php230,000.00 sa kanilang nabiktima sa naturang lugar.
Hindi naman isinasantabi ng pulisya ang posibilidad na miyembro ng mas malaking grupo ang dalawang Iranian national na sangkot sa pambubudol.
Kasalukuyang nasa pangangalaga na ng Solano Police Station ang dalawang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong swindling.