CAUAYAN CITY – Inaresto ang dalawang binatilyo matapos murahin at pagbubulyawan ang Punong Barangay ng Barangay Salvacion, Bayombong, Nueva Vizcaya .
Ang mga inarestong mag-aaral ay sina Christian, residente ng Centro Poblacion, Bayombong, Nueva Vizcaya at Alex, kapwa 18 anyos at Senior High School students, residente ng Mountain Province dahil sa kasong resistance and disobedience to a person in authority.
Inaresto ang mga mag-aaral makaraang murahin at bulyawan si Punong Barangay Omerson Dacmay, 43 anyos at residente ng Barangay Don Mariano Marcos, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa imbestigasyong isinagawa ng Bayombong Police Station, lalabas sana ang punong barangay sa kanilang tahanan ngunit bago pa man makarating sa trangkahan ng kanilang pintuan ay bigla na lamang siyang nakarinig ng ingay ng basag ng bote mula sa labas ng kanyang bahay.
Dahil dito sinita ng barangay kapitan ang grupo ng dalawang binatilyo na nag-iinuman .
Umalis anya ang mga suspek ngunit bago umalis ay pinagsisigawan at pinagmumura ang nasabing barangay kapitan kasabay ng pag-dirty finger sa opisyal ng barangay.
Tumakbo ang mga suspek upang tumakas pero nagawang makahingi ng tulong ng barangay kapitan sa mga nakatalagang tanod at kagawad sa nasabing lugar kaya agad nadakip ang dalawa sa mga ito.
Patuloy pa ring pinaghahanap ang kasamahan ng dalawang suspek.











