--Ads--

Arestado sa isinagawang Entrapment Operation ng PNP ang dalawang katao na umanoy suspek sa iligal na pagbebenta at pag-iimbak ng langis sa isang gasolinahan sa Brgy. Bintawan Norte, Villaverde, Nueva Vizcaya.

Natukoy ang may ari ng gasolinahan na residente ng Brgy. Bintawan Norte, Villaverde, Nueva Vizcaya na ngayon ay patuloy na pinaghahanap.

Dinakip ang dalawang lalaki, na pawang pump attendant ng gasolinahan at kapwa residente ng Brgy. Bintawan Norte, Villaverde, Nueva Vizcaya.

Nabili sa mga suspek ang 42 Litro ng Premium Gasoline at nakumpiska rin ang ginamit na pera sa transaksyon na kabuuang P3,500.

--Ads--

Nakuha rin sa lugar ang gamit na Sales Invoice/Official Receipt ng gasolinahan kabilang ang isang Bundle ng Sales Invoice Receipt, dalawang Dipstick Oil level, tatlong ibat ibang unit ng Underground Storage Fuel Tank, dalawang unit ng Fuel Pump Machine at apat na Nozzles para sa Premium, Diesel at Unleaded.

Matapos ang imbentaryo ay dinala sa CIDG Nueva Vizcaya PFU ang mga nakumpiskang ebidensya na tinatayang aabot sa P2.6 milyon ang halaga.

Dinala naman sa himpilan ng pulisya ang dalawang pump attendant habang  patuloy na pinaghahanap ang may ari ng gasolinahan.

Nag-ugat ang operasyon mula sa report ng DOE-Luzon Field Office kaugnay sa operasyon ng nasabing Gas Station na iligal umanong nagbebenta ng langis.

Batay sa record ng tanggapan wala umanong pahintulot ang nasabing gasolinahan sa pag-angkat ng produktong petrolyo.