--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasawi ang dalawang katao matapos bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang close van sa Brgy. Luyang, Bayombong, Nueva Vizcaya

Ang dalawang nasawi na kapwa menor de edad na parehong residente ng Purok 7, Upper Magsaysay, Bayombong, Nueva Vizcaya habang kinilala naman ang tsuper ng close van na si Marvin Anca Salvador, 40- anyos at residente ng Brgy. Alua, San Isidro, Nueva Ecija.  

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Junia Bogbog, Police Community Relations Officer ng Bayombong Police Station sinabi niya na binabagtas ng motorsiklo ang pambansang lansangan patungong Bambang, Nueva Vizcaya habang patungo naman sa Solano, Nueva, Vizcaya ang close van.

Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay umagaw umano ng linya ang motorsiklo dahilan upang sumalpok ito sa paparating na close van.

--Ads--

Sa lakas ng impact ay dead on the spot ang tsuper ng motorsiklo at ang angkas nito habang maswerte namang hindi nasaktan ang tsuper ng close van.  

Aniya, sinampahan nila ng kaso ang tsuper ng van ngunit kalaunan ay na-dismiss din dahil nakuhanan ng CCTV ang insidente kung saan makikita ang pag-agaw umano ng motorsiklo ng linya patunay na wala umanong kasalanan ang driver ng sasakyan.

Nanawagan naman siya sa mga motorista na bumabagtas sa national highway na iwasang magpatakbo ng mabilis at magkaroon ng disiplina sa pagmamaneho para hindi masangkot sa kaparehong insidente.