CAUAYAN CITY – Nasawi ang dalawang indibidwal matapos na bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa nakaparadang trailer truck sa gilid ng national highway na bahagi ng Brgy. Maligaya, Echague, Isabela.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Josefino Marcelo Jr., dalawampung taong gulang, tsuper ng motorsiklo at mga angkas nitong sina Diether Marcelo, labing walong taong gulang at isang labimpitong taong gulang na pawang mga residente ng Pangal Sur, Echague Isabela.
Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, dakong alas diyes ng gabi ng October 29, 2024, nang mangyari ang aksidente kung saan ang mga nasawing biktima ay sakay ng motorsiklo at galing sa Pangal Sur, Echague, Isabela at sila ay patungong Ipil, Echague, Isabela nang mabangga nila ang nakaparadang trailer truck sa tabi ng kalsada at walang tsuper.
Ayon sa PNP Echague, mabilis ang takbo ng motorsiklo kaya maaring hindi napansin ng tsuper ang nakaparadang truck na sanhi upang mabangga ito.
Nagtamo ng malalang sugat sa katawan ang mga biktima na agad na dinala sa Echague District Hospital ng mga rumespondeng kasapi ng Echague Rescue team para malapatan ng lunas ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician ang tsuper at ang isa sa mga backrider ay nasawi rin kalaunan.
Inilipat naman sa Southern Isabela Medical Center ang isa pang biktima.
Dinala naman sa himpilan ng pulisya ang motorsiklong sinakyan ng biktima para sa karampatang disposisyon at malalimang imbestigasyon.