Patay ang dalawang katao habang isa ang nasugatan sa naganap na self-accident sa Lungsod ng Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Noralyn Andal, Information Officer ng City of Ilagan Police Station, sinabi niya na ang mga biktima ay kinilalang sina King Irom Cauinian, labing siyam na taong gulang, tsuper ng motorsiklo at ang mga angkas nito na sina Lester John Paggao, dalawamput isang taong gulang at isang labing anim na taong gulang na binatilyo at sila ay pawang mga estudyante na residente ng Calamagui 1st, City of Ilagan, Isabela.
Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, alas dos ng kaninang madaling araw nang binabagtas ng mga biktima ang kahabaan ng pambansang lansangan na nasasakupan ng Brgy. Baligatan, City of Ilagan, Isabela.
Nang makarating sila sa pataas at pakurbadang bahagi ng kalsada ay bumangga ang motorsiklo sa concrete barier na nasa gitna ng kalsada.
Dahil sa lakas ng pagbangga ay tumilapon ang mga biktima at nagtamo ng mga malubhang sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan na agad namang naisugod sa pinakamalapit na pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival si Cauinian at Paggao habang patuloy na nagpapagaling ang menor de edad nilang kasama.
Ayon kay PCpt. Andal, nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin ang mga biktima nang mangyari ang aksidente.
Muli naman niyang pinaalalahanan ang mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho at iwasan na ang pag-inom ng alak kung kailangang magmaneho ng sasakyan.











