--Ads--

Arestado ang dalawang indibidwal matapos mahuli sa isang routine checkpoint ng Burgos Police Station dahil sa paglabag sa Presidential Decree 533 o Anti-Cattle Rustling Law, alas-6:30 ng gabi noong Marso 21.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Fernando Mallillin, chief of police ng Burgos Police Station, sinabi niya na naaresto ang mga suspek habang nagsasagawa ng checkpoint operation ang kanilang mga tauhan sa Brgy. San Antonino.

Aniya, pinara ng pulisya ang isang puting Hyundai utility vehicle dahil napansin na hindi nakasuot ng seatbelt ang driver at pasahero. Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ang dalawang baka sa loob ng sasakyan, isang babaeng baka na tinatayang nasa 10 taong gulang at isang lalaking baka na tinatayang 1 taong gulang na kapwa walang marka o anumang patunay ng pagmamay-ari.

Kinilala ang mga naarestong suspek sa alyas na “Nelson,” 43-anyos, magsasaka, at “Nestor,” 40-anyos, kapwa residente ng Brgy. Villa Paz, Naguilian, Isabela.

--Ads--

Ayon sa mga suspek, binili umano nila ang mga baka sa Brgy. Barucboc, Quezon, Isabela mula sa isang alyas na “Elong” at kanilang ibinibiyahe patungong Naguilian. Gayunpaman, ang tanging naipakita lamang nila ay isang barangay certification, na ayon sa pulisya ay hindi sapat na dokumento para sa legal na pagbili at pagbibiyahe ng large cattle.

Dagdaga pa ng Hepe, agad nagsagawa ang kanilang hanay ng beripikasyon ang mga pulis at nakipag-ugnayan sa Quezon Police Station hinggil sa pinagmulan ng mga baka. Bandang alas-8:50 ng gabi ng parehong araw, dumating sa Burgos Municipal Police Station si alyas “Elong” na nagpakilalang may-ari ng mga baka, subalit nabigo rin itong makapagpakita ng kaukulang dokumento na magpapatunay ng pagmamay-ari.

Dahil dito, inaresto ang mga suspek at sinampahan ng kaso na sumasaklaw hindi lamang sa pagnanakaw kundi pati sa ilegal na pagbili, pagbebenta, at transportasyon ng large cattle nang walang sapat na papeles.

Ipinaliwanag pa ni Pmaj. Mallillin na mahalagang may kumpletong dokumento ang sinumang bibili o magbibiyahe ng mga alagang hayop, kabilang ang permit to buy and sell, clearance for shipment mula sa Department of Agriculture, at iba pang kaukulang papeles.

Dagdag pa niya, kahit para lamang sa personal na paggamit o pangsaka, kinakailangan pa rin ang mga naturang dokumento upang matiyak ang legalidad ng pagmamay-ari at maiwasan ang paglabag sa batas.

Ayon sa opisyal, bihira lamang ang ganitong insidente sa kanilang lugar dahil karamihan sa mga nagbibiyahe ng hayop ay may sapat na papeles, at pinaniniwalaang dumaan lamang sa Burgos ang mga suspek dahil patungo ang mga ito sa Naguilian.