--Ads--

Sugatan ang dalawang katao matapos pagtatagain ng kanilang nakaalitan sa Brgy Faustino, Cauayan City, Isabela.

Nakilala ang mga biktima na sina Jack, 55 years old, at Julius, 40 years old, habang ang pinaghihinalaan ay si Joseph, 28 years old, construction worker, at pawang residente Brgy Faustino, Cauayan City, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, lumalabas sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station na bago ang pangyayari ay nag-iinuman umano ang mga sangkot sa birthday ng isa sa mga biktima na si Jack.

Habang nag-iinuman ang mga sangkot ay nabanggit umano ng pinaghihinalaan ang kanilang dating hindi pagkakaunawaan kaugnay sa nabiling lupa na napakamahal.

--Ads--

Dahil dito ay nagkaroon ng pagtatalo ang mga sangkot at lalo pang uminit ang tensyon nang pinahinto ng naturang biktima ang kanyang pamangkin na pinaghihinalaan sa kanyang pagkanta.

Kumuha umano ng tubo si Jack at tinangka nitong hampasin ng tubo si Joseph. Gayunman, nakaiwas ang suspek at tumakbo pauwi sa kanilang bahay kumuha ng tabas na ginamit sa pananaga sa biktima.

Sinubukan namang umawat ng isa sa mga biktima na si Julius subalit maging siya ay nataga rin ng suspek kung saan nagtamo ito ng malaking sugat sa mukha.

Agad namang dinala ang mga biktima sa pagamutan para malapatan ng lunas.

Sa ngayon ay inihahanda na ang kasong double frustrated murder laban sa pinaghihinalaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, bagamat hindi na nagpatape interview, inamin ng pinaghihinalaan na nakainom na siya dati nang magtungo sa birthday ng kanyang tiyuhin.

Aminado naman siya sa kanyang nagawa at nagsisi na rin.

Anya, handa naman itong makipag-areglo sa kanyang tiyuhin at isa pang biktima.

Ayon naman kay Jack, ang isa sa mga biktima, kung siya lang tatanungin gusto rin niyang makipag-ayos nalang sa pinaghihinalaan.