--Ads--

Tinanggal sa trabaho ang dalawang tauhan at security guard ng Land Transportation Office (LTO) dahil sa pangingikil umano sa ilang jeepney driver at operator na nahuli at na-impound ang mga sasakyan dahil sa iba’t ibang paglabag sa batas-trapiko.

Matapos personal na magtungo sa tanggapan ng LTO ang mga biktima nitong Biyernes (Disyembre 5) ay agad na ipinag-utos ni LTO Assistant Sec. Markus Lacanilao na sibakin sa pwesto ang mga sangkot na indibidwal.

Napag-alaman na ang dalawa sa mga ito ay kawani ng Traffic Safety Division ng LTO at isang Security Guard na nanghihingi umano ng pera upang mapadali ang paglabas ng kanilang mga na-impound na sasakyan.

Paliwanag ni Lacanilao, ang mga ganitong kalokohan sa loob ng LTO ay hindi kukunsintihin kung saan kasama sa kanyang 7-point agenda simula nang maupo bilang LTO Chief ang “Zero Corruption”, ”Totoong Serbisyo, Wag Negosyo” at “Walang Areglo”.

--Ads--

Dahil dito, inatasan ni Lacanilao ang Intelligence and Investigation Division ng ahensya upang siyasatin ang mga sangkot sa korapsyon sa loob ng LTO.

Payo ng opisyal sa mga kawani nito, hindi ito titigil sa paglinis ng kanilang ahensya laban sa mga iregularidad na gawain upang magampanan nito nang maayos ang tungkulin na makapag-lingkod sa bayan at manumbalik ang tiwala ng publiko sa ahensya.