CAUAYAN CITY – Dalawang laborer ang nasawi dahil sa hinihinalang gas poisoning sa Barangay Balawag Tabuk City, Kalinga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pmaj. Prudencio Atas ang tagapagsalita ng Kalinga Police Provincial Office sinabi niya na nakatanggap ng tawag ang Tabuk City Police station kaugnay sa naganap na gas poisoning sa Barangay Balawag Tabuk City.
Aniya agad nagtungo sa lugar ang mga kasapi ng Tabuk City Police Station subalit wala na ang dalawang biktima sa lugar dahil dinala na sila sa pagamutan.
Ayon sa saksi na si Jorge Carita, kasamahan ng mga biktimang gumagawa ng deep well, alas dos ng hapon nang bumaba sa deep well ang isa sa mga biktimang si Ernesto Banua.
Habang nasa ilalim ay nakaramdam ang biktima ng pagkahilo kaya agad itong humingi ng tulong.
Dahil sa paghingi ng tulong ay tumugon naman ang isa pang kasamahan na si Edwardo Javier Ramirez subalit hindi pa nakakababa ay nakaramdam na din ito ng pagkahilo.
Tutulungan sana ito ni Carita nang bigla itong mahulog sa deep well.
Pasado alas tres na ng marescue ang mga biktima at madala sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival na ng kanilang attending physician.
Batay sa iba pang mga impormasyong nakuha ng Tabuk Ciy Police Station, sadyang hindi umano gumagamit ng anumang aparato o kagamitan ang mga biktima sa paggawa ng deep well.
Dahil sa insidente ay hindi na muna itutuloy ang paghuhukay sa ginagawang deep well.
Hindi naman ito ang unang beses na nakapagtala sila ng ganitong pangyayari kaya mahigpit ang paalala ngayon ng Pulisya sa mga gumagawa ng deep well na gumamit ng protective gear para maiwasan ang aksidente.