Timbog ang dalawang lalaki sa ikinasang buy-bust operation ng Cauayan Component City Police Station (CCPS) katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)–Isabela sa Bypass Road, Brgy. San Fermin, Cauayan City.
Ang mga suspek ay itinago ng PNP sa mga alyas na Jhon, 36 anyos, drayber at residente ng Purok 5, Villa Concepcion, Cauayan City, at alyas Lito, 38 anyos, isang magsasaka at residente ng Purok 1, Caloocan, Angadanan, Isabela.
Ayon sa pulisya, kapwa sila kabilang sa Street Level Individuals (SLI) at sangkot umano sa ilegal na pagbebenta ng droga.
Nasamsam mula sa dalawang suspek ang dalawang heat-sealed plastic sachet ng hinihinalang shabu.
Ang unang sachet ay may timbang na humigit-kumulang 5 gramo na may standard drug price (SDP) na ₱34,000, habang ang ikalawa naman ay may 20 gramo na nagkakahalaga ng ₱138,000.
Narekober din sa operasyon ang ₱1,000 marked money, siyam na pirasong ₱1,000 boodle money, at iba’t ibang drug paraphernalia tulad ng plastic sachets, crumpled foil, digital weighing scale, stainless scissors, at straw.
Nasamsam din ang dalawang cellphone, isang sling bag, coin/bill pouch, pati na rin ang isang puting Elf truck.
Nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











