--Ads--

CAUAYAN CITY – Arestado ang dalawang lalaki habang pinaghahanap ang dalawa pa nilang kasamahan matapos manloob at magnakaw sa bahay ng isang film director sa sa Aritao, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Novalyn Aggasid, Information Officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO, pasado alas tres ng hapon nang makita ng mga kapitbahay ang paglabas ng mga suspek sa pintuan ng bahay habang tangay ang isang maleta at bisikleta.

Dahil dito sinita nito ang apat na kalalakihan na agad nagsitakbuhan palayo sa lugar.

Dalawa sa mga ito ang nakalabas sa gate samantalang nagtago naman ang dalawa sa isang bodega kung saan sila nahuli ng mga kapitbahay bago naiturn-over sa mga rumespondeng pulis.

--Ads--

Laman ng maletang natangay ng mga suspek ang iba’t ibang gamit tulad ng mga alahas, rosaryo, pera, cellphones, T-shirts, relo at mga de lata.

Kabilang sa mga nahuli ay isang labimpitong taong gulang na out-of-school youth mula bayan ng Solano at dalawamput-tatlong taong gulang mula sa bayan ng Bayombong.

Pinaghahanap naman ang dalawa nilang kasamahan na mula sa Solano matapos silang makatakas.

Ayon kay PMaj. Aggasid, wala sa bahay ang Film Director dahil kasalukuyan itong may shooting at hindi nakakauwi sa kaniyang bahay nang pasukin ito ng mga suspek.

Batay sa kanilang pagsisiyasat ang isa sa mga nakatakas na suspek ay may kinakaharap na kaso ng robbery at batay sa pag-iimbestiga sa dalawang nahuli ay ito talaga ang kanilang gawain.

Pinaalalahanan naman ni PMaj. Aggasid ang publiko na maging mapagmatyag kapag umaalis ng bahay at maiging ipaalam sa mga kapitbahay upang mabantayan habang wala sa bahay upang hindi mabiktima ng mga magnanakaw.

Ugaliin ding suriin ang mga maaring daanan ng mga magnanakaw sa bahay at laging maglock ng mga bintana at pintuan.