--Ads--

CAUAYAN CITY – Dinakip ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang isang lalaki na pinaghihinalaan sa kasong panggagahasa sa isang menor de edad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Esem Galiza, Chief ng Women and Children’s Protection Desk ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na ang naturang pangyayari ay kinasasangkutan ng 24-anyos na pinaghihinalaan na itinago sa pangalang Jhun, may asawa at residente ng Tanap Region, Cauayan City.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng pulisya na nag-iigib ang menor de na biktima nang bigla itong hilain ng pinaghihinalaan at isinagawa ang panggagahasa.

Nakita naman ito ng nanay ng biktima na agad idinulog sa kanilang barangay at ang kanilang barangay naman ang dumulog sa pulisya para sa ikadarakip ng pinaghihinalaan.

--Ads--

Ayon kay PCapt. Galiza, batay sa kanilang pagkikipag-ugnayan sa menor de edad na biktima, napag-alaman na ilang beses na siyang ginagahasa ng pinaghihinalaan kapalit ng isang kilong bigas.

Matapos na maisampa ang kaso sa pinaghihinalaan ay isasailalim naman sa pagsusuri at psychiatric examination ang menor de edad na biktima.

Tinig ni PCapt. Esem Galiza, Chief ng Women and Children’s Protection Desk ng Cauayan City Police Station.

Samantala, dinakip naman ng mga kasapi ng City of Ilagan Police Station ang isang lalaki matapos gahasain ang isang 24-anyos na babae sa Baculud, City of Ilagan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, inutusan umano ng ina ng biktima ang anak nito upang bumili ng kanilang hapunan at habang siya ay naglalakad, tinawag siya ng pinaghihinalaan at inalukan ng P250 ngunit tumanggi ang biktima na kunin ang iniaalok nitong pera.

Subalit, pwersahan siyang hinila ng pinaghihinalaan patungo sa isang bakanteng lote at isinagawa ang panggagahasa.

Pinagbantaan pa umano ng pinaghihinalaan na papatayin ang biktima kung hindi siya susunod sa kanyang kagustuhan.

Ayon pa sa pulisya, nakakita ng pagkakataon ang biktima para makaalis sa nasabing lugar kaya siya nakatakas at agad nagtungo sa himpilan ng pulisya.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga alagad ng batas na nagresulta ng pagkakadakip ng suspek sa kanilang tahanan.

Mariin namang itinanggi nang pinaghihinalaan na may naganap na panggagahasa at wala umanong nangyari sa pagitan nila ng biktima.

Sa ngayon ay nanatili ang pinaghihinalaan sa tanggapan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.