Dalawang indibidwal na tulak ng droga ang naaresto ng kapulisan sa isinagawang anti-illegal drug operation matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu sa by-pass road ng Brgy. Santa Rita, Aurora, Isabela.
Kinilala ang mga suspek na sina alias “Noli,” 56 taong gulang, may asawa at residente ng Brgy. Marasat Grand, San Mateo, Isabela, at alias “Ben,” 37 taong gulang, residente ng Brgy. IV, San Mateo, Isabela. Sila ay inaresto dahil sa paglabag sa Section 5 at Section 12 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nagsagawa ng buy-bust operation ang magkasanib na puwersa ng Aurora Municipal Police Station, Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), Provincial Intelligence Branch (PIB) ng Isabela Police Provincial Office, at RIU2, sa koordinasyon ng PDEA Regional Office 2, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nakumpiska mula sa kanila ang humigit-kumulang 0.9 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php6,120.00, kasama ang tatlong (3) piraso ng 1000 peso bill at dalawang (2) piraso naman ng 100 peso bill bilang buy-bust money; isang (1) heat sealed plastic transparent sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu; dalawang (2) unit ng cellular phone, isang (1) lighter, isang (1) improvised glass tooter, sampung (10) piraso ng barya (personal na pera); isang (1) fifty peso bill; isang (1) relo na may plastic na bracelet; at isang (1) puting Nissan Navara pick-up.
Ang lahat ng ebidensya ay maayos na minarkahan, kinunan ng larawan at inimbentaryo sa lugar ng operasyon sa presensya ng mga suspek, ng National Prosecution Service (NPS) Representative, at ng mga halal na opisyal ng Brgy. Santa Rita, Aurora, Isabela, alinsunod sa itinakdang proseso ng batas.
Matapos ang operasyon, ang mga suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Aurora Municipal Police Station para sa karagdagang dokumentasyon at wastong disposisyon.











