--Ads--

Sugatan ang dalawang katao matapos silang tagain ng lasing na magsasaka sa Casantolan, Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Novalyn Aggasid, Information Officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO, sinabi niya na ang dalawang lalaking biktima na hindi na pinangalanan ay kinabibilangan ng isang apatnaput anim na taong gulang na binata na residente ng Brgy. Inuban, Dupax Del Norte at isang apatnaput limang taong gulang, may asawa at residente ng Brgy. Mabasa Dupax Del Norte.

Ang suspek ay isang limamput apat na taong gulang na magsasaka na residente rin ng Brgy. Mabasa, Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya.

Ayon kay PMaj. Aggasid, nag-inuman ang dalawang biktima sa kanilang farm at matapos nito ay dumaan sila sa bahay ng kapatid ng suspek para makipagkuwentuhan.

--Ads--

Dumating naman ang lasing din na suspek at biglang tinapik ng malakas ang likod ng isa sa mga biktima na ikinagalit nito.

Nagkaroon ng sagutan ang dalawa at umalis naman ang suspek ngunit bumalik na mayroon nang dalang itak at tinaga ang isa sa mga biktima na tinamaan sa dalawang kamay.

Sinubukan naman ng biktimang una nitong nakasagutan ang tumakas ngunit hinabol ito ng suspek at tinaga sa binti.

Agad namang nadala sa pagamutan ang mga biktima at sa ngayon ay nasa ICU pa rin ang isa sa mga biktima habang ipinasakamay naman sa Dupax Del Norte Police Station ang suspek.

Ayon sa suspek may sama ito ng loob sa mga biktima dahil sa laging pambubully sa kanya kaya niya nagawa ang krimen.

Nahaharap sa dalawang kaso ng frustrated homicide ang suspek.

Muli namang nanawagan si PMaj. Aggasid sa publiko na kung mayroon mang hindi pagkakaintindihan ay ayusin na lamang ito sa barangay at huwag gumamit ng dahas.