CAUAYAN CITY- Nasawi ang dalawang lalaki habang isa ang sugatan sa nangyaring banggaan ng bus at tricycle sa palikong bahagi ng kalsada sa Brgy. Lalauanan, Tumauini, Isabela.
Dead on arrival sa ospital ang mga biktima na kinilalang si Mark Anthony Pascual, 26 anyos at si Jaymar Bartolome, isang senior high school student habang nagtamo ng malubhang injury ang isa pang kasamhan ng mga biktima na si Bryan James Dacuba na kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMAJ Melchor Aggabao Jr, Chief of Police ng Tumauini Police Station sinabi nito na sumobra sa kabig ang bus dahilan upang masalpok ang kasalubong na tricycle.
Aniya, tinatahak ng mga biktima ang daan patungong Tuguegarao City habang patungong City of Ilagan naman ang bus nang mangyari ang aksidente.
Dagdag pa ng hepe madilim at bagong aspalto ang kalsada sa lugar at wala pang nailalagay na linya ang DPWH Region 2 kung kaya hindi matutukoy ng mga motorista kung linya pa ba nila o hindi na.
Sa ngayon hinihintay nalang ng mga otoridad ang video na kuha ng dash cam ng bus para sa mas malalimang imbestigasyon.
Samantala, sa inisyal na pag-uusap handang makipag- alegro ang pamilya basta’t sasagutin lamang ng nakabangga ang lahat ng magiging gastos sa burol at libong ng mga biktima.
Napag-alaman na nag-goto lamang ang mga biktima. Habang biyaheng pa-Maynila ang bus at maswerteng wala namang nasaktan sa mga pasahero nito.
Nagpaalala naman si Major Aggabao sa lahat ng mga motorista na magdoble ingat sa pagmamaneho sa kalsada.