--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang dalawang lalaking matapos silang malunod sa ilog magat na sakop ng San Roque, San Mateo, Isabela.

Sa Exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Along Labumbay, kasama ng dalawang nalunod na sina Ryan Tomas at Akong Matias na residente ng San Andres San Mateo Isabela, kanyang sinabi na alas-3 ng hapon kahapon nang sila ay nagtungo sa naturang ilog upang maligo dahil sa init ng panahon.

Aniya, nagbibiruan pa umano silang magkakaibigan at napansin niya na nagtungo ang dalawa sa malalim na bahagi ng ilog.

Ayon kay Labumbay, sinabihan niya umano ang dalawa na huwag gaanong lumayo ngunit pagkalipas lamang ng ilang minuto ay naglaho na ang mga ito.

--Ads--

Sinubukan niya umanong isalba ang dalawa niyang kasamahan ngunit nabigo sya dahil sa lalim ng naturang ilog.

Alas-4 na ng hapon ng makarating ang mga rescuers sa pinagyarihan ng insidente at inabot ng halos isang oras bago nahanap ang dalawang biktima na kaagad isinugod sa pagamutan.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Jovener Dupilas, isang eye opener ang pangyayari sa kanilang tanggapan upang mas pag-igihan pa ang pagmonitor sa mga ilog na kanilang nasasakupan.

Sa susunod na linggo ay pag-uusapan ng konseho ang pagbabawal na sa mga umiinom ng alak sa ilog Magat upang maiwasan na ang insidente ng pagkalunod.

Tiniyak din niya ang paglalagay muli ng mga signages sa lugar dahil ang mga nauna nilang inilagay ay tinanggal ng mga nagpupunta sa ilog.

Pinaalalahanan naman niya ang mga nagtutungo sa ilog na huwag nang uminom ng alak at huwag magtungo sa mga malalalim na parte ng ilog upang maiwasan ang pagkalunod.