CAUAYAN CITY- Patay ang dalawang magsasaka matapos tamaan ng kidlat sa Cabisera 14-16, City of Ilagan, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Brgy. Kagawad Luz Pascual sinabi niya na ang mga nasawi ay sina Edwin Madduma, 41-anyos, may asawa at Wilson Figarola, 56-anyos, may asawa, kapwa magsasaka at residente ng nabanggit na barangay.
Aniya na bago ang insidente ay nagtungo ang biktimang si Madduma kasama ang iba pang magsasaka sa bukid para maghanda sa kanilang pagtatanim matapos makatanggap ng libreng binhi mula sa gobyerno.
Batay sa salaysay ng mga kasamang magsasaka ng biktima, dali dali umano silang sumilong sa isang kubo malapit lamang sa bukid makaraang makaranas ng malakas na buhos ng ulan na may kasamang mga kulog at kidlat.
Ngunit naiwan at nagpatuloy ang biktimang si Madduma sa pagpi-prepara sa kanyang bukid.
Makalipas ang ilang sandali, nagtaka umano ang kanyang mga kasama kung bakit wala na siya sa kanyang bukid at sinubukan pang puntahan ito ngunit natakot ang mga kasamahan nitong magsasaka dahil sa lakas ng kulog at kidlat.
Makaraang humupa ang ulan, kulog at kidlat ay agad umanong pinuntahan ng mga kasamahan ng biktima sa kanyang bukid subalit doon na siya nakitang nakahandusay.
Nagawa pa namang maisugod si Madduma sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Samantala, kinabukasan matapos ang unang insidente ng pagkasawi dahil sa pagtama ng kidlat ay natagpuan ding nakahadusay at wala ng buhay ang katawan ng pangalawang biktima sa bukid.
Ayon pa kay Brgy. Kagawad Pascual na kaninang umaga natagpuan si Figarola ng mga magsasaka na magtutungo sana sa bukid na nagtamo ng sunog ang ilang bahagi ng kanyang katawan matapos ding tamaan ng kidlat.
Una rito, hinahanap ng kanyang pamilya ang biktima sapagkat wala siya sa kanilang bahay ngunit dahil sa pag-aalkalang nasa lamayan lamang siya kayat hinayaan na lamang muna nila ito.
Sa ngayon ay pinag-iingat ng pamunuan ng Cabisera 14-16 ang mga residente sa lugar lalo na ang mga magsasaka na gawin na lamang ang pagtatrabaho sa bukid tuwing umaga at manatiling nasa ligtas na lugar sakaling mayroong mga malalakas na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog.





