--Ads--

CAUAYAN CITY- Sugatan ang dalawang magsasaka matapos pagtatagain ng kapwa magsasaka sa Villa Verde, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Novalyn Aggasid, hepe ng Villa Verde Police Station sinabi niya na nag ugat ang pananaga dahil sa hindi umano pagkakaunawaan ng mga sangkot.

Aniya  pawang mga miyembro ng isang Farmers Association ang mga biktima at suspek na katatapos lamang umanong dumalo sa isang pagpupulong.

Marahil ay hindi umano nagkaunawaan ang suspek at mga biktima kaugnay sa naganap na pagpupulong dahil nagkaroon ng argumento habang sila ay nag-iinuman.

--Ads--

Dahil dito ay umuwi ang suspek sa kanilang bahay para kumuha ng panabas at pagbalik sa inuman ay doon na nangyari ang pananaga.

Nagtamo ng taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang biktima na kasalukuyang nasa pagamutan na kinailangan isailalim sa operasyon habang nasa kostodiya naman ng pulisya ang suspek.