--Ads--

2 magsasakang kumatay sa ninakaw na baka, sa kulungan ang bagsak

CAUAYAN CITY- Dinakip ng mga kasapi ng Station 1 ng Santiago City Police Office (SCPO) kasama ang mga barangay tanod ang 2 magsasaka makaraang katayin ang isang baka na kanilang ninakaw.

Ang mga dinakip na mga magsasaka ay sina Grenedin Bergonio, 43 anyos at Albert Saddul,37 anyos,may-asawa at ang may-ari ng baka ay si Barangay Kagawad Andres Malabbo, 51 anyos pawang residente ng Santa Rosa, Santiago City.

Lumabas sa pagsisiyasat ng mga kasapi ng pulisya na ang biktima ay ipinastol ang alagang baka ngunit nagulat na lamang siya nang nawawala ang kanyang alaga.

--Ads--

Sa kanyang paghahanap ay nakita niyang kinatay na ang kanyang baka sa ilalim ng puno ng kawayan.

Agad niyang ipinagbigay alam ng barangay kagawad kay Barangay Kapitan Alfredo Benigno ng Santa Rosa ang pagkakanakaw ng kanyang baka kaya’t agad niyang inutusan ang mga barangay tanod na magsiyasat.

Sa pagtatanong ng mga barangay tanod kasama ang mga pulis ay nakita ang dalawangsuspek na nagluluto ng karne ng baka.

Nang tanungin ng mga alagad ng batas kung saan binili ang nilulutong karne ng baka ay wala silang maisagot kayat dinala sila sa himpilan ng pulisya

inihahanda na ang kasong paglabag sa Presidential Decree 533 (Anti -Cattle Rustling Law laban sa dalawang suspek.