--Ads--

Nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawang mangingisdang edad 70 at 71 matapos matagpuang nakakapit sa kanilang kalahating lumubog na bangka sa karagatan ng Orion, Bataan nitong Lunes ng umaga, Hulyo 7.

Ayon sa PCG, nakita ang dalawa bandang 9:45 a.m. ng BRP Boracay, wala pang limang nautical miles hilagang-silangan ng Orion. Naiulat silang nawawala noong Hulyo 6 matapos hindi makabalik mula sa pangingisda sa bahagi ng Pilar, Bataan.

Ayon kay Coast Guard Station Bataan Commander Michael John Encina, malalakas na agos ang posibleng dahilan ng insidente. Agad na naglunsad ng search and rescue operation ang CGS Bataan at nakipag-ugnayan sa pamilya ng mga nawawala.

Sa paunang pagsusuri ng Coast Guard, nasa maayos na kalagayan ang dalawang mangingisda. Naipasakay sila sa BRP Boracay bandang 9:50 a.m. at dinala sa Port of Capinpin sa Orion, kung saan sinalubong sila ng mga tauhan ng Coast Guard, lokal na disaster response officials, at kanilang mga pamilya.

--Ads--

Dinala sila sa Rural Health Unit ng Barangay Wawa para sa karagdagang medikal na pagsusuri at obserbasyon.