
CAUAYAN CITY – Nasampahan na ng patung-patong na kaso ang dalawang menor de edad na nasa likod ng ilang serye ng nakawan sa lungsod.
Ang mga pinaghihinalaan ay dalawang lalaki na may edad labinlima at labing anim, parehong out of school youth at pawang mga residente ng lunsod ng Cauayan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station kasong robbery at paglabag sa Republic Act 10883 o Anti-Carnapping Act of 2016 ang isinampa laban sa dalawa.
Ayon sa pulisya tumangging makipag-ayos ang dalawang naging biktima ng mga nahuli kaya itinuloy ang mga kaso laban sa kanila.
Bukod sa tricycle na kanilang ninakaw sa isang residente sa Brgy. Cabaruan ay positibo rin silang itinuro ng isang kagawad ng Brgy. Mabantad, na nilooban ang kanyang tindahan at nakuha ang pitong libong pisong pera at dalawang libong halaga ng grocery items.
Hinala ng pulisya posibleng mayroon pang ibang kasama ang dalawang kabataan dahil imposible ng magawa nila ang mga naturang pagnanakaw ng silang dalawa lamang.
Inaalam na rin ng mga otoridad kung sangkot din ang mga nahuli sa iba pang kaso ng nakawan sa iba’t ibang barangay sa lungsod ng Cauayan.
Nanawagan naman ang pulisya sa mga naging biktima ng nakawan na makipag-ugnayan sa himpilan ng pulisya sa lunsod.










