Nadakip ang dalawang miyembro ng Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KRCV) sa naganap na armed encounter sa Brgy. Dicamay 2, Jones, Isabela, kahapon, April 20, 2025.
Matatandaan na sumiklab ang sagupaan sa Brgy. Dicamay 2, Jones, Isabela pasado alas sais ng umaga kahapon matapos na iparating ng ilang concerned citizen sa lugar ang presensya ng NPA sa mga nagpapatrolyang kasapi ng 86th Infantry Batallion na nagresulta sa palitan ng putok.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Maj. Ed Rarugal ang DPAO Chief ng 5th Infantry Division Philippine Army, ang dalawang NPA ay nahuli ng militar habang nagsasagawa ng clearing operation sa encounter site.
Kasamang narekober mula sa dalawang miyembro ng KRCV ang ilang IEDs, magazine, mga bala, at iba pang personal na gamit.
Sa ngayon ay tinutukoy na ng 86 IB ang pagkakakilanlan ng nasawi at mga nahuling NPA.
Ayon kay Maj. Rarugal bagamat wala ng putukan ay nagpapatuloy naman ang hot pursuit operation sa lugar kasabay ng combat operation.
Sa datos ng 5th Id humigit kumulang limandaang metro ang layo ng encounter site sa mga kabahayan.
Imomonitor ngayon ng 5th ID ang ginagawang pagkilos ng nalalabi pang mga miyembro na maaari pa ring lumipat ng lugar.
Hinikayat naman ng 5th ID ang mga nalalabi pang miyembro ng NPA na magbalik loob na sa pamahalaan.
Nilinaw naman ni Maj. Rarugal na hindi election-related ang sagupaan dahil dati nang pinamumugaran ng mga teroristang grupo ang naturang lugar.









