CAUAYAN CITY – Nasawi ang dalawang indibidwal habang nasugatan ang ilang katao sa karambola ng tatlong sasakyan sa pambansang lansangan na nasasakupan ng Magat Bridge, Del Pilar, Cabatauan, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Romeo Mabea, hepe ng Cabatuan Police Station, sinabi niya na ang aksidente ay kinasasangkutan ng isang pick-up, kolong-kolong at forward truck.
Batay sa kanilang pagsisiyasat, binabaybay ng kolong kolong na sinasakyan ng mga biktima na sina Roderick Serna, Claire Polido at Sherwin Espiritu ang nasabing lansangan mula sa Aurora patungo sa Bayan ng Cabatauan habang patungo naman sa Bayan ng Aurora ang pick-up na minamaneho ni Reynaldo Bibat na residente ng Gaddanan, San Mateo, Isabela.
Aniya bumangga sa likurang bahagi ng kolong-kolong ang sumusunod dito na forward truck na minamaneho ni Artemio Wamerga sanhi upang mapunta sa kabilang linya ang kolong kolong at bumangga sa paparating na pick-up.
Ayon sa driver ng forward truck, hindi nito napansin ang kolong-kolong dahil paahon ang lugar kung saan nangyari ang aksidente.
Sa lakas ng banggaan ay nagtamo ng sugat sa katawan ang mga sakay ng kolong kolong na agad dinala sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival sina Polido at Espiritu habang inilipat naman sa isang pribadong pagamutan ang tsuper na si Serna.