--Ads--

Nasawi ang dalawang katao habang tatlo ang sugatan matapos ang karambola ng siyam na sasakyan sa Silang, Cavite. Nangyari ang aksidente sa Tagaytay–Santa Rosa Road, Sitio Muzon, Barangay Puting Kahoy.

Ayon kay Col. Joseph Macatangay, hepe ng Silang Municipal Police Station, nakilala na ang drayber ng isang motorsiklo, ngunit ang isa sa mga biktima ay hindi pa matukoy kung saan nakasakay. Kabilang sa mga nasugatan ang isang limang taong gulang na babae na tumatawid lamang sa kalsada patungo sa kanyang paaralan.

Batay sa kuha ng CCTV, dakong 7:20 ng umaga noong Marso 18, isang 10-wheeler truck mula Santa Rosa City, Laguna ang nabangga ang mga sasakyan sa harap nito. Nadamay sa aksidente ang walong iba pang sasakyan kabilang ang SUV, van, kotse, motorsiklo, at mga nakaparadang sasakyan sa gilid ng kalsada.

Matapos ang banggaan, nagpatuloy ang pag-andar ng truck hanggang sa ipinarada lamang ito ng driver sa madamong lugar sa Barangay Santo Domingo, Santa Rosa, bago ito tumakas.

--Ads--

Sa inisyal na imbestigasyon, natukoy ng mga otoridad na nawalan ng preno ang truck habang pababa itong binabagtas. Nakilala na ang driver at patuloy siyang hinahanap ng mga awtoridad upang harapin ang patong-patong na kaso.