CAUAYAN CITY – Dalawa ang naitalang nasawi sa pagkalunod sa nagdaang Semana Santa sa kabila na nakasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Isabela at Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag Ginoong Michael Conag, Information Officer ng OCD region 2 na sa kanilang pagmonitor sa Semana Santa ay nagkapagtala sila ng pagkalunod sa Cauayan City, Isabela at Amulung, Cauayan
Ang biktimang si Angelo Luis Velarde, 24 anyos, may asawa at residente ng Alibagu, City of Ilagan ay nalunod habang nangingisda sa isang fishpond sa San Pablo, Cauayan City.
Nagawi umano sa malalim na bahagi ng fishpond ang biktima dahilan para siya ay malunod.
Natagpuan noong Biyernes ng Search and Rescue Team na pinangunahan ng mga personnel ng Tactical Operations Group o TOG 2 ng Philippine Air Force at City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO ang bangkay ng biktima.
Natagpuan kahapon, Linggo ng Pagkabuhay ang katawan ng isang 27 anyos na nalunod sa Amulung, Cagayan.
Ayon kay Ginoong Conag, nakainom ng alak ang biktima nang magtungo sa ilog para maligo ngunit nalunod.
Sa kabila ng pagkamatay sa pagkalunod ng dalawang tao sa buong rehiyon dos, sa pangkahalatan ay naging maayos ang paggunita ng Semana Santa.
Samantala, inalis na ang naunang ipinatupad na red alert status para sa Semana Santa kasabay ng paglalagay sa blue alert status sa Office of Civil Defwnse (OCD) region 2 para mamonitor ang sitwasyon sa COVID-19 ng rehiyon.
Ayon kay Ginoong Conag, batay sa kanilang monitoring ay maayos ang contact tracing ng mga clusters ng Regional Inter-Agency Task Force (RIATF).











