CAUAYAN CITY- Dalawa ang kumpirmadong nasawi habang isa ang sugatan matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin ang convoy ni Pidigan, Abra mayoralty candidate Artemio “Billy Boy” Donato Jr. sa Barangay Poblacion, Pilar, Abra.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pltcol Daniel Pel-ey, PCADU Chief ng Abra Police Provincial Office, sinabi niya na ang mga nasawi ay sina Froilan Bisares Bueno, isang barangay Kapitan ng Quillat, Langiden, Abra at drayber na si Kevin Bisares Bueno.
Nagtamo ng tama ng baril sa tiyan si Bueno at namatay habang ginagamot sa ospital, habang si Kevin Bueno ay namatay on the spot dahil sa tama ng baril sa kanyang ulo.
Kinilala naman ang sugatan na si Sonny Bisares Bueno matapos tamaan ng bala ng baril sa kanang binti at kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital sa bayan ng Bangued.
Maswerte namang walang tinamong sugat ang tumatakbong mayor.
Sa ulat ng pulisya, ang grupo ng mayoralty candidate, kasama ang 11 sasakyan, ay bumibiyahe mula sa Poblacion , Pilar, Abra patungo sa bayan ng Villaviciosa nang sila ay tambangan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, tinatayang nakapuwesto sa mas mataas na lugar ang tatlong shooters, 20 metro ang layo mula sa kalsada.
Batay sa kanilang assestment wala silang nakitang senyales na nagkaroon ng palitan ng putok sa convoy at shooters kasabay ng pananambang.
Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang ginagawa nilang pagsisiyasat ang pinag sanib pwersa ng Regional and Provincial Investigating Unit para sa binuong Special Investigation Task Group “Bueno” upang matukoy kung sino ang mga gunmen.
Masusing nagsisiyasat ang Task Group Bueno para ma-establish ang motibo sa pananambang at malaman kung tio ay may kaugnayan sa politika.
Nilinaw rin ng PNP na ito ang unang pagkakataon na nakapagtala sila ng ambush incident sa Bayan ng Pilar na nasa ilalim ng orange category.
Sinisikap ng Abra Police Provincial Office kasama ang mga special forces partikular ang Regional Mobile Froce Battalion maging ang Philippine Army kabilang ang karagdagan pang augmentation forces para mas tiyak ng katiwasayan sa Lalawigan ng Abra.
Sa katunayan ay nabigyan na ng mandato ang mga nakakasakop na Municipal Police Stations na tiyakin ang seguridad ng mga naulilang pamilya ng mga nasawing biktima sa pananambang.
Nanawagan din siya sa publiko o sa sinomang nakakita at may impormasyon sa pangyayari na huwag matakot na makipag ugnayan sa Abra Police Provincial Office para sa ikakalutas ng krimen.