
CAUAYAN CITY – Dalawang kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19) ang naitala sa Santiago City kaya paiigtingin pa ng pamahalaang panlalawigan ng isabela ang pagpapatupad ng mga panuntunan para labanan ang virus.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Governor Rodito Albano na si Provincial Health Officer (PHO) Dr. Nelson Paguirigan ang nagsabi sa kanya na may dalawang nurse ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) ang panibagong tinamaan ng COVID 19.
Ang dalawang nurse na taga-Santiago City at taga-Ifugao ang umasikaso sa MedTech na residente ng Cauayan City na tinamaan ng nasabing sakit.
Ayon kay Gov. Albano, hindi na siya nabigla na may panibagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa SIMC dahil hindi pa napupuksa ang virus.
Sinabi niya na ang mabuting gawin ngayon ng mga mamamayan ay maging maingat at sundin ang mga protocol para labanan ang COVID-19.
Mandatory pa rin ang pagsusuot ng face mask, pagpapatupad ng social distancing at pagbabawal sa social gathering tulad ng birthday party.










