CAUAYAN CITY – Dalawa ang patay, 17 ang nasugatan sa pagbaliktad kaninang alas dos madaling araw ng isang van sa national highway sa San Antonio, San Mateo, Isabela.
Ang Nissan Urvan ay galing sa San Mateo, Rizal at patungo sana sa Roxas, isabela para dumalo sa isang kasal nang matanggal ang kanang
tie rod kaya nawalan ng kontrol sa steering wheel ang driver na si Eduardo Villaflor, 56 anyos, residente ng Pulang Lupa, Modesta Village, San Mateo, Rizal.
Sa imbestigasyon ng San Mateo Police Station, ang van ay unang bumangga sa poste ng koryente bago bumaliktad at nahulog sa kanal malapit sa daan.
Ang dalawang nasawi na nasa likurang bahagi ng sasakyan ay sina Veronica Salvador, 10 anyos at Aldrin Gutierrez, 46 anyos, kapwa residente ng San Mateo, Rizal.
Magkakamag-anak ang 19 na sakay ng van na dadalo sa kasal ng kanilang kamag-anak sa Roxas, Isabela.
Ang mga nasugatan na kinabibilangan ng driver ay dinala sa ospital sa San Mateo, Isabela para malapatan ng lunas.




