CAUAYAN CITY – Patay ang tsuper ng van kabilang ang isang pasahero nito matapos sumalpok sa nakaparadang dumptruck sa ginagawang lansangan sa Sinamar Sur, San Mateo, Isabela.
Kinilala ang nasawi na sina William Dumauan, 35 anyos at pasahero nito na si Armandito Lumanday, 53 anyos na kapwa residente ng Bagong Tanza, Aurora, Isabela.
Nasugatan din ang dalawang pasahero na sina Marlon Ramirez, 24 anyos at Albert Dalut, 29 anyos na kapwa residente ng Marrarigue, San Manuel, Isabela.
Batay sa imbestigasyon ng San Mateo Police Station, ang van ay patungo sa naturang bayan habang ang tsuper ng nakaparadang dumptruck na si Artemio Villar, 48 anyos at residente ng Research, Minante Uno, Cauayan City ay iniilawan ang mga nagtatrabahong manggagawa.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na maaring hindi nakita ng tsuper ang early warning device ng ginagawang lansangan na dahilan ng pagkakabangga nito at naipit sa ilalim na bahagi ng dumptruck.
Bagama’t naitakbo pa sa pagamutan ang dalawang biktima subalit ideneklarang dead on arrival.




