CAUAYAN CITY – Patay ang isang guwardiya at nasugatan ang 2 pang angkas makaraang masangkot sa aksidente sa lansangan sa Santiago City
Ang nasawi ay si Henry Marinia, binata at residente ng Cordon, Isabela habang ang mga nasugatang angkas ay sina Ferdinand Montis at Mc Kenny Dumancil, pawang security guard.
Ang nakabanggaan ng motorsiklong sinakyan ng mga biktima ay isang Isuzu Dmax na minamaneho ni Gelacio Berito, 57 anyos, retiradong kasapi ng Bureau of Fire Protection (BFP) at residente ng San Mateo, Isabela.
Sa imbestigasyon ng Traffic Group ng Santiago City Police Office (SCPO) patungo sa hilagang direksyon si Berito nang kanyang makabangga ang kasalubong na motorsiklo.
Lumabas sa pagsisiyasat na ang 3 guwardiya ay nasa impluwensya ng alak nang maganap ang aksidente.
Ang dalawa sa mga bktima ay patuloy na inoobserbahan sa ospital habang nasa pangangalaga na ng pulisya si Berito.
Samantala, patay ang isang mekaniko habang nasa kritikal na kondisyon ang 10 anyos na bata sa salpukan ng motorsiklo at forward truck sa Poblacion, Aritao, Nueva Vizcaya.
Ang nasawi ay si Antonio Gannaban, 30 anyos, residente ng Aritao, Nueva Vizcaya habang ang pinsan na si Oswald Villamor ay nasa malubhang kondisyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Chief Inspector Joberman Videz, hepe ng Aritao Police Station, mabilis umanong magpatakbo ang tsuper ng motorsiklo na si Gannaban.
Biglang umanong pumasok sa linya ng forward truck na minamaneho ni Albert Acosta ng Bagabag, Nueva Vizcaya nang nasa kurbadang bahagi na ng daan na nagresulta ng kanilang salpukan.
Agad na isinugod sa ospital ang 2 subalit idineklarang dead on arrival si Gannaban.