CAUAYAN CITY – Dalawa ang patay matapos silang masangkot sa aksidente kagabi sa pambansang lansangan na nasasakupan ng District 1, Cauayan City.
Ang nasabing aksidente ay kinasasangkutan ng isang Hyundai Starex na minaneho ni Ruel Taguinod, 59-anyos, may asawa at residente ng Labinab, Cauayan City, isang Euro Sports Motorcycle na minaneho ni Armando Alvares, 43-anyos, may asawa at residente ng Nungnungan 2, Cauayan City at angkas niya si Samuel Mapili, nasa tamang edad at residente ng San Bonifacio, Burgos, Isabela habang ang isa pang sangkot ay isang Hyundai Starex Van na minaneho ni Quirubin Tamayo, 36-anyos, may asawa at residente ng Minante 2, Cauaya City.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station na binabagtas ng van na minamaneho ni Taguinod ang pambansang lansangan patungong hilaga habang patungo naman sa kasalungat na direksyon ang motorsiklo ng makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay nag-overtake ang motorsiklo sa sinusundang sasakyan subalit bumangga ito sa kasalubong na van.
Dahil sa lakas ng banggaan ay tumilapon ang angkas ng motorsiklo na si Mapili at nagulungan ng van na minaneho ni Tamayo.
Dinala pa sa pagamutan ang mga biktima subalit namatay din habang nilalapatan ng lunas.
Samantala, dalawa rin ang nasugatan habang isa ang kritikal sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa pambansang lansangan na nasasakupan Minante 2, Cauayan City.
Ang mga nasugatan ay sina Jerick Gallardo, 21-anyos, tsuper ng Honda XRM, at angkas nito na si Edmer Ignacio, 28-anyos, residente ng Mapalad, San Agustin, Isabela habang sugatan din si Marlon Lorenzo, 50-anyos, tsuper ng Yamaha 155, at residente ng Pinoma, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, binabagtas ng motorsiklo na minaneho ni Gallardo ang pambansang lansangan patungong hilaga habang patungo naman sa kasalungat na direksyon ang isa pang motorsiklo na minaneho ni Lorenzo.
Sinasabing umagaw ng linya ang motorsiklong minaneho ni Gallardo kaya nakabanggaan niya ang kasalubong na motorsiklo.
Dahil dito ay nagtamo ng mga sugat ang mga sakay ng dalawang motorsiklo na agad dinala ng mga kasapi ng Rescue 922 sa isang pagamutan.
Sa ngayon ay nagpapagaling pa rin sa pagamutan ang mga tsuper ng motorsiklo maging ang angkas ng isang motorsiklo na nasa intensive care unit ngayon ng nasabing pribadong pagamutan.
Samantala, nasugatan din ang isang tsuper ng motorsiklo matapos magsariling maaksidente sa lansangang nasasakupan ng Barangay District 2.
Ang biktima ay si Rizalito Pasno, 37-anyos, at residente ng Albano Street, District 3, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa mga tumugong kasapi ng Rescue 922, binabagtas ng motorsiklo ang nasabing lansangan nang mawalan siya ng kontrol sa pagmamaneho at natumba sa lansangan.
Nagtamo ng mga gasgas ang biktima na agad namang nilapatan ng lunas ng mga tumugong kasapi ng Rescue 922.
Sa ngayon ay maayos na ang kanyang kalagayan.












