
CAUAYAN CITY – Dalawa ang patay habang anim ang nasugatan sa pagbaliktad ng isang trike sa Limbauan, San Pablo, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj Roberto Guiyab, hepe ng San Pablo Police Station na galing sa bayan at pauwi sa barangay Limbauan ang trike nang mawalan ng kontrol ang tsuper na si Randy Paguigan sa pababang bahagi ng daan.
Bumaliktad ang trike sa bahagi ng maliit na tulay at tumama ang mga biktima sa concrete railing na sanhi ng pagtamo nila ng malubhang sugat sa ulo at iba pang bahagi ng kanilang katawan.
Ayon kay PMaj Guiyab, pumunta sa bayan ang tsuper ng trike para magpagiling ng palay at nakisakay ang mga biktima.
Dinala sa ospital ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival sina Marivic Teppang at Lourdes Natividad dahil sa malalang sugat sa kanilang ulo.
Dinala ang tatlong nasugatan sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Lunsod ng Tuguegarao dahil sa malalang sugat.
Ang mga nasugatan ay sina Romelia Caruna, Glecie Lazaro, Perla Arugay, Edison Mangilin, Renalyn Mariano at ang tsuper na si Paguigan.
Ayon kay PMajor Guiyab, depekto ng sasakyan at human error ang nakikita nilang sanhi ng aksidente.
May pananagutan aniya ang driver ng trike kapag nagpasya ang pamilya ng mga biktima na magsampa ng kaso laban sa kanya.










