CAUAYAN CITY- Dalawa ang patay kabilang ang isang barangay kagawad sa naganap na dalawang kaso ng pamamaril sa Cauayan City.
Unang binaril bago magtanghali sa Barangay District 2, Cauayan City ang biktimang si Barangay Kagawad Rommel Taylan, 48 anyos, may asawa at residente ng Gappal, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo mula kay P/Sr. Insp. Ferdinand Datul, chief investigator ng Cauayan City Police Station, ang biktimang si Taylan ay lulan ng kanyang isuzu elf truck at nakaparada sa Gappal-Manaoag TODA.
Dito pinagbabaril ng mga suspek na sakay ng itim na SUV na walang plaka na nagresulta ng agarang kamatayan ng biktima.
Agad tumakas ang mga suspek patungong kanlurang direksyon matapos ang insidente.
Samantala, pinagbabaril patay kaninang hapon ang isang tsuper sa San Fermin, Cauayan City.
Ang biktima ay si Conrado Ruiz , 32 anyos, isang tsuper ng jeep at residente ng Capuseran, Benito Soliven, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan ang biktima ay naghihintay ng kanyang pasahero nang barilin ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.
Matapos ang pamamaril ay tumakas ang mga suspek.




