--Ads--

Dalawang indibidwal ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa umano’y ilegal na pagsasagawa ng mga dental procedure at paglabag sa cybercrime laws sa Barangay Alawihao, Daet, Camarines Norte noong Lunes ng umaga, Disyembre 22.

Kinilala ang mga suspek sa kanilang mga alyas na “Ani” at “Anne,” kapwa 25 taong gulang at residente ng Urban Poor Subdivision. Nadakip ang mga ito sa isang sabayang entrapment operation na isinagawa ng Camarines Norte Provincial Cyber Response Team–Regional Anti-Cybercrime Unit Bicol (PCRT–RACU5).

Ayon sa mga awtoridad, ikinasa ang operasyon matapos makumpirma na nag-aalok ang mga suspek ng serbisyong dental kahit wala silang kaukulang lisensya at propesyonal na kwalipikasyon.

Kinasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Philippine Dental Act of 2007 dahil sa hindi awtorisadong pagsasagawa ng dentistry, at sa Cybercrime Prevention Act of 2012 matapos matuklasan na ang kanilang ilegal na serbisyo ay ipinopromote sa pamamagitan ng mga online platform.

--Ads--

Sa isang pahayag, sinabi ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO) na nananatiling matatag ang Philippine National Police sa kanilang tungkulin na ipatupad ang batas at pangalagaan ang kapakanan ng publiko laban sa mga hindi awtorisadong practitioner na maaaring maglagay sa panganib sa buhay ng mamamayan.