--Ads--

Natukoy na ng San Pablo Police Station ang dalawang person of interest sa naganap na pamamaril noong gabi ng Linggo, April 6, 2025, sa Brgy. Dalenat, San Pablo Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Jay-Ar Olya-On, hepe ng San Pablo Police Station, bago ang pamamaril ay nag-iinuman umano ang mga biktima sa isang kubo nang mapansin nila ang kaluskos mula sa palayan malapit sa kanila.

Inilawan nila ang palayan gamit ang flashlight ngunit bigla na lamang may nagpaputok ng baril kung saan tinamaan sa balikat ang isa sa mga biktima habang nadaplisan ang dalawang pa nitong kasamahan.

Agad namang dinala sa pagamutan ang mga biktima ng mga rumespondeng pulis mula sa Police Mobile Force Company at sa ngayon ay nasa ligtas na silang kalagayan.

--Ads--

Isa sa tinitingnang rason ngayon ng pulisya sa pamamaril ng mga pinaghihinalaan ay ang away sa lupa o land dispute dahil ang isa sa mga biktima ay may kaaway sa lupa.

Nagpapatuloy naman ang pangangalap ng impormasyon ng mga kapulisan ng San Pablo Police Station para malutas ang nasabing kaso ng pamamaril sa kanilang area of responsibility.