2 pulis na umanoy sangkot sa tanim droga, sinisiyasat na ng pulisya
CAUAYAN CITY- Sinisiyasat na ng mga kasapi ng Santiago City Police Office ang inireklamo ng tatlong lalaki na dalawa umanong pulis na sangkot umano sa tanim droga.
Ang mga pulis ay mga kasapi umano ng Regional Drug Enforcement Unit sa Presinto Uno ng Santiago City Police Office.
Ang mga nagreklamo ay sina Artjen Christopher Decena, 28 anyos, walang asawa at residente ng Imus, Cavite; John John dela Cruz, 22 anyos, mekaniko at residente ng Dubinan West, Lunsod ng Santiago at Micheal Agabe, 21 anyos, mekaniko at residente ng Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Una rito, ay dinakip umano sila ng dalawang pulis na nakasibilyan sa may checkpoint sa Mabini Circle, Santiago City at dinala sa kubo ng Regional Drug Enforcement Unit.
Ipinakita umano ng dalawang pulis ang isang sachet ng hinihinalang shabu at pera na ibigay sa mga biktimang sina Dela Cruz at Agabe samantalang pinahawak naman kay Decena ang motorsiklo ng isang pulis.
Pagkatapos umano nito ay kinuhanan sila ng litrato ng dalawang pulis.
Bagamat wala pang pagkakilanlan ang dalawa pulis ay sinisigurado naman ng mga biktima na kanilang makikilala kung muli nilang makikita.




