
CAUAYAN CITY – Isinailalim sa calibrated lockdown ang dalawang purok ng Paddad, Alicia, Isabela dahil sa pagpositibo sa COVID-19 ng isang residente.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Joel Amos Alejandro, sinabi niya na napagdesisyunan niyang isailalim sa pitong araw na lockdown na nagsimula kagabi ang Purok 5 at 6 ng barangay Paddad dahil naghome quarantine ang positibong kaso sa naturang barangay.
Nais lamang nilang makasiguro dahil kahit naka strict home quarantine ang pasyente ay posible pa ring mayroon siyang mga nakasalamuha.
Ayon kay Mayor Alejandro, naghome quarantine ang pasyente dahil puno na ang kanilang LGU quarantine facility nang siya ay dumating.
Sa ngayon ay nagsasagawa na sila ng contact tracing at nakatakdang isailalim sa swabbing ang kanyang mga direktang nakasalamuha.
Tiniyak naman ng punong bayan ang ayuda sa mga apektado ng lockdown.
Gayunman ay hiniling niya ang kanilang suporta na huwag idiscriminate ang mga kababayan nilang nagpopositibo sa COVID-19.










