CAUAYAN CITY – Sampung Cauayeño ang pinagkalooban kagabi ng “Django Awards” bilang “Most Outstanding Cauayeño” sa iba’t ibang larangan bilang bahagi ng pagdiriwang ng ikadalawamput dalawang anibersaryo ng pagiging lungsod ng Cauayan na hudyat din ng pagsisimula ng Gawagawayyan Festival.
Ang sampong most outstanding Cauayeño ay sina Ferdilyn Espiritu, residente ng San Antonio sa Agriculture Category; Marissa Mendoza ng Mabantad sa Health Category; Bombo News Correspondent Marichu Alba Gabriel ng District 1 sa Media Category; PLt. Col. Sherwin Cuntapay ng Nagrumbuan sa Law Enforcement; Jose Abad ng District 1 sa larangan ng Public Service.
Kabilang din sa pinarangalan si Betchie Aguinaldo ng San Fermin sa Science and Technology; Dr. Ruby Maur ng Cabaruan sa larangan ng Edukasyon; Mark Duque ng San Fermin sa Entrepreneurship; Engr. Jesus Ferdinand Ordoñez ng San Antonio sa Culture and the Arts at Jose and Editha Basubas Family ng San Antonio sa Family Category.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan ay inihayag ni Mark Duque, ang natatanging Cauayeño sa larangan ng Entrepreneurship na hindi madali ang pagiging enterprenuer dahil marami ang kanyang mga pagsubok na pinagdaanan bago naging matagumpay.
Ngunit sa pamamagitan ng sipag at tiyaga, ang pangarap na isang negosyo ay makakamit.
Samantala, dalawa sa mga pinarangalan ang dating kawani ng Bombo Radyo Cauayan.
Si Engr. Jesus Ferdinand “Jeff” Ordoñez na ginawaran ng parangal sa larangan ng Culture and the Arts ay dating field reporter habang si Ginang Maria Gregoria Gabriel na kilala sa radio name na Marichu Alba na pinarangalan sa media category ay dating newscaster, newswriter at field reporter at ngayon ay Correspondent na nagbabalita ng mga kaganapan sa San Mariano at Benito Soliven, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ay lubos siyang nagpapasalamat sa Bombo Radyo Cauayan sa pamumuno ni Bombo Mariel Gomez bilang Station Manager at concurrent na area manager sa Luzon.
Ayon kay Ginang Gabriel, hindi niya inasahan na siya ang mapipili sa kabila na napakaraming nominees sa media category kabilang ang dating anchorman at chief of reporter na si Ginoong Edwin Asis na kasalukuyang City Economic Enterprise Management and Development Officer.
Ayon kay Ginang Gabriel, lubos siyang nagpapasalamat sa maraming taon na naging bahagi siya ng Bombo Radyo Cauayan bilang newscaster, news writer at field reporter. Ang kanyang passion sa pamamahayag ang dahilan kung bakit gusto pa rin niyang maging bahagi ng Bombo Radyo Cauayan bilang News Correspondent.