Matagumpay na naisagawa ng PNP Women and Children Protection Center (WCPC) ang magkasunod na entrapment operation na nagresulta sa pagkakaligtas ng dalawang lalaking sanggol sa loob lamang ng 20 oras.
Kasabay nito, dalawang indibidwal ang inaresto kaugnay ng illegal adoption at child trafficking sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa noong Enero 20 at 21.
Isinagawa ang mga operasyon sa koordinasyon ng Quezon City Police District, Batangas City Police Station, Social Services Development Department ng Quezon City, at City Social Welfare and Development Office ng Batangas.
Batay sa imbestigasyon, lumitaw na ang mga suspek—na umano’y mga ina ng mga biktima—ay ibinebenta ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng online platforms sa halagang P25,000 hanggang P75,000.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng WCPC sa Camp Crame ang mga suspek at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 at sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.











