--Ads--

Nabahala ang Sangguniang Kabataan (SK) Federation sa pagbibitiw sa puwesto ng dalawang SK Chairman sa Lungsod ng Cauayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SK Federation President Camilo Ballad, sinabi niya na magkasunod na nagbitiw sa puwesto ang dalawang Chairman dahil sa personal na problema at oportunidad sa trabaho.

Aniya, ang mga SK Chairman na nag-resign ay mula sa Barangay Culalabat at Sillawit, kaya’t otomatikong papalit dito ang mga unang SK Kagawad.

Dagdag pa niya, nagugulat din ang ilang kabataang opisyal sa bigat ng kanilang trabaho lalo na’t mababa lamang ang honorarium na natatanggap nila. Nahihirapan din silang pagsabayin ang pag-aaral, pagtatrabaho, at pagiging opisyal ng barangay, kaya’t naiisip ng ilan ang pagbibitiw sa posisyon.

--Ads--

Sa ngayon, mayroon umanong SK na sumasahod lamang ng ₱3,000–₱4,000 kada buwan, dahilan upang ang ilan ay mapaisip na mag-resign.

Tinatayang 30% ng mga SK ay estudyante pa lamang, 20% ang nagtatrabaho, at ang iba naman ay nakatuon nang buo sa kanilang tungkulin sa barangay.

Gayunpaman, wala pa umanong ulat na may iba pang nagbabalak magbitiw, subalit patuloy na pinaaalalahanan ang lahat hinggil sa kanilang sinumpaang tungkulin.

Samantala, tumanggi namang magbigay ng reaksyon o opinyon ang SK Federation ng Cauayan kaugnay sa mungkahi ni DILG Sec. Jonvic Remulla na buwagin na ang SK sa bansa.