
CAUAYAN CITY – Ikinadismaya ni Sangguniang Panlalawigan member Edward Isidro, chairman ng Committee on Power and Energy ng Sangguniang PanLalawigan ng Isabela ang hindi pagkakatuloy kahapon sa Delfin Albano at Quezon, Isabela ng Annual General Membership Assembly (AGMA) ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) II dahil sa kawalan ng quorum.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni SP Member Isidro na siya ay nagtungo sa bayan ng Quezon na isa sa dalawang venue ng AGMA.
Kabilang din sa dumalo sa AGMA si Mayor Jay Diaz at mga kasapi ng Sangguniang Panlunsod ng Ilagan.
Sinabi ni SP Member Isidro na nagkaroon muna ng eleksiyon ng mga committee para sa nalalapit na district board election.
Kulang aniya ang mga dumating na nagrehistro para sa AGMA.
Mula sa mahigit 165,000 na member-consumers ng ISELCO II ay mahigit 2,000 lang ang nakarating.
Kung 5% ng kabuuang 165,000 na member-consumers ay 8,000 ang dapat na dumalo.
Ayon kay SP Member Isidro, duda sila kung kaya pa ng ISELCO II ang pagdaraos ng AGMA ngayong taon dahil malaki ang nagastos sa naging paghahanda.
Kailangan aniyang maglabas ng posisyon ang pamunuan ng electric cooperative kung ano ang susunod na hakbang para alam ng mga member-consumer ang kanilang gagawin.
Dapat lahat ng paraan ay ginawa ng pamunuan ng ISELCO II para nabigyan ng impormasyon ang mga member-consumers sa isinagawang general membership assembly.
Puwede naman silang sumulat sa mga barangay kapitan at sa mga pamahalaang lokal hinggil sa isinagawang AGMA at sa anunsiyo sa radyo o iba pang paraan ng information dissemination.
Ayon kay SP member Isidro, dumalo siya sa AGMA para mag-obserba bilang chairman ng Committee on Power and Energy.
Hindi niya inaasahan na hindi matuloy bunsod ng kawalan ng korum dahil nagkaroon ng pagkukulang sa komunikasyon para ipaabot ang mensahe lalo pa’t malaki ang nagastos ng kooperatibaa.
Sayang aniya ang nagastos at panahon ng mga dumalo na member-consumers.
Samantala, hihintayin ng pamunuan ng ISELCO II ang desisyon ng National Electrification Administration (NEA) kung aaprubahan ang muling pagsasagawa nila ngayong taon ng Annual General Membership Assembly matapos na hindi natuloy kahapon dahil sa kakulangan ng korum.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Engineer Charles Roy Olinares, OIC General Manager ng ISELCO 2 nagsagawa sila ng information dissemination sa pamamagitan ng facebook page, facebook live, paglalagay ng tarpaulin sa mga designated areas, public address system at nakalagay sa mga electric bill ang date at venue m AGMA.
Binigyang-diin niya na hindi sila nagkulang ng mga paalala tungkol sa AGMA at nasa member-consumers ang pasya kung sila ay dadalo
Ipinaliwanag ni Engr. Olinares na itinakda sa dalawang venue para makakuha sila ng sapat na bilang ng mga dadalong member-consumer.
Sa AGMA noong Oktubre 2019 ay idinaos sa Lunsod ng Ilagan at Roxas at marami ang dumalo.
Mula noong 1980 ay rotational na ang mga lugar na pinagdarausan ng AGMA.
Sinabi ni Engr. Olinares na muli silang magsasagawa ng general membership assembly kung aaprubahan ng NEA ang supplemental budget para muling maisagawa ngayong taon ang AGMA.
Kailangan din aniyang aprubahan ng board kung muling isasagawa ngayong taon
Ayon sa OIC general manager ng ISELCO 2, na 3.4 million pesos ang taunan nilang pondo para sa AGMA.
Kinumpirma niya na gaganapin district election ngayong taon at approval na lang ng NEA ang kanilang hinihintay.
Dismayado rinn si Sangguniang Panlunsod member Rolly Tugade sa kawalan ng quorum sa AGMA ng ISELCO II sa bayan ng Quezon at Delfin Albano, Isabela.
Ayon kay Tugade, batay sa kaniyang pagsasaliksik ito na ang may pinakamaraming bilang ng mga member-consumer na lumahok sa taunang general assembly.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Tugade, sinabi niya na maaga pa lamang ay naghakot na ang mga opisyal ng Lunsod ng Ilagan sa kanilang mga member-consumer na dadalo sa AGMA sa Delfin Albano.
Nagdeklara ng kakulangan ng korum dahil hindi umabot sa 5% ng 165,000 na kabuuang bilang ng mga member-consumer na 8,000 libo.




