Nasugatan ang dalawang rider matapos masangkot sa head-on collision sa barangay road na nasasakupan ng San Pablo, Cauayan City kagabi, Marso 19, 2026.
Batay sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Cauayan City Police Station, naganap ang aksidente bandang alas-10:30 ng gabi.
Ang mga nasugatan ay sina Alyas Chad, 37 anyos, magsasaka at residente ng Brgy. Casalatan, at Alyas Mario, 43 anyos, residente ng Brgy. San Isidro, Cauayan City.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na si Alyas Chad sakay ng kanyang motorsiklo nang biglang lumiko ang kasalubong na motorsiklo ni Alyas Mario sa kanyang linya, na nagdulot ng head-on collision.
Dahil sa banggaan, nagtamo ang parehong rider ng malubhang sugat at agad na dinala sa ospital ng mga kasapi ng Rescue 922.
Sa kasalukuyan, isinailalim sa hospital arrest si Alyas Mario at mahigpit na binabantayan ng mga awtoridad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa pangyayari.
Nagpaalala ang pulisya sa mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho, lalo na tuwing gabi, sundin ang tamang speed limit, at laging magsuot ng protective gear upang maiwasan ang aksidente.










