--Ads--

CAUAYAN CITY-Dalawang indibiduwal sugatan sa naganap na pamamaril sa Barangay Sagap, Bangued, Abra ngayong araw ng halalan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCDU Chief PLt.Col. Daniel Pel-ey, sinabi niya na na nakatanggap sila ng ulat kaugnay sa umano’y pamamaril sa Barangay Sagap, Bangued, Abra.

Batay sa ulat na nakarating sa kanila may grupo ng mga indibiduwal ang natungo sa polling precinct sa Sagap Elemetary School na nagdulot ng komosyon.

Agad na tumugon ang PNP para umawat sa kaguluhan subalit ilang minuto lamang ay umalingawngaw ang mga putok ng baril sa bahagi ng Abra River.

--Ads--

Matapos ang umano’y pagpapaputok ng baril ay nakita ang dalawang sasakyan na umalis sa lugar patungo sa Bangued.

Pasado alas-8 ng umaga ng makatanggap naman sila ng tawag mula sa isang pagamutan para iulat naman na dalawang pasyente ang kanilang na-admit na nagtamo ng tama ng bala.

Agad na nadeploy ang mga imbestigador ng Bangued Municipal Police Station sa naturang ospital kung nasaan ang dalawang biktima sa pamamaril para magsagawa ng interview.

Napag-alaman na ang mga biktima ay kasamahan ng mga umano’y indibiduwal na sakay ng dalawang sasakyan sa Abra River kung saan umano naganap ang pamamaril.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Bangued PNP sa motibo ng pamamaril.