--Ads--

CAUAYAN CITY – Kinumpirma ng 5th Infantry Division Philippine Army sa Gamu, Isabela na 2 sundalo ang nasawi, 3 ang nasugatan sa panibagong sagupaan ng mga sundalo at miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Isabela.

Naganap ang bakbakan sa Dicamay 2, Jones, Isabela kaninang 4:30 ng madaling araw at patuloy ang follow-up operation ng militar.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Capt. Jefferson Somera, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO), sinabi niya na dadalhin ang bangkay ng mga nasawing sundalo sa 5th ID sa bayan ng Gamu.

Nangyari ang sagupaan matapos paputukan umano ng mga rebelde ang mga sundalo ng 54th Infantry Battalion na tumugon sa sumbong mga mamamayan na pangingikil o extortion activity ng mga NPA sa nasabing lugar.

--Ads--

Nagpadala ng mga attack helicopter ang Philippine Airforce para tumulong sa ground troops.

Ginagamot naman ang 3 nasugatang sundalo sa isang pribadong ospital sa lalawigan.

Hindi pa kinilala ang pangalan ng mga namatay at nasugatang sundalo dahil ipaparating pa sa kanilang pamilya ang nangyari sa kanila.

Ito na ang ikaapat na sagupaan ng mga sundalo at NPA sa Isabela sa nakalipas na anim na araw.

Noong Martes  ay nakasagupa ng 95th Infantry Battalion ang mga miyembro ng Benito Tesorio Command ng NPA sa San Miguel, Echague, Isabela.

Nakumpiska ng militar ang 5 M16 rifle, dalawang rifle grenade, 3 Improvised Explosives Device (IED’s), 4 detonating cord, 7 blastic caps at iba pa matapos na makubkob ang kampo ng mga rebelde sa Echague, Isabela.