--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang dalawang sundalo habang nasugatan naman apat pa nilang kasamahan matapos silang tamaan ng kidlat habang nagsasagawa military operation sa Lubuagan, Kalinga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maj. Rigor Pamittan, Chief ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division Philippine Army sinabi niya na kasalukuyang nagsasagawa ng operasyon ang 54th Infantry Batallion Phil. Army sa boundary ng Western Uma, Lubuagan at Balatoc, Pasil ng Kalinga nang sila ay tamaan ng isang matalim na kidlat.

Agad nasawi ang dalawang sundalo na sina Cpl. Andrew Five Monterubio ng Gamu, Isabela at PFC Inmongog Aronchay mula sa Sadanga, Mt. Province.

Nasugatan naman sina Sgt. Dennis Bananao ng Tanudan, Kalinga; PFC Melvin Danggalan ng Paracelis, Mt. Province, PFC Abegil Awingan mula sa Pinukpuk, Kalinga at PFC Riel Angya ng Pasil, Kalinga.

--Ads--

Agad namang dinala ang mga biktima sa Kalinga District Hospital para malapatan ng lunas.

Ayon kay Maj. Pamittan naranasan ang pag-ulan at thunderstorm nang magsagawa ng operasyon ang mga sundalo ng 54IB patungo sa kanilang objective sa nasabing lugar upang tugisin ang nalalabing myembro ng New People’s Army o NPA.