Isang matagumpay na buy-bust operation ang ikinasa ng Santiago City Police Office (SCPO) na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang indibidwal na sangkot umano sa bentahan ng iligal na droga sa Barangay Mabini, Santiago City.
Ayon sa pulisya, kabilang sa mga naaresto ang isang High-Value Individual (HVI) at ang kasabwat nito. Nasamsam mula sa kanila ang higit 55 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit ₱300,000.
Bukod sa ipinagbabawal na droga, narekober din ng mga operatiba ang buy-bust money, mga cellular phone na ginagamit sa transaksyon, at isang motorsiklo na pinaniniwalaang ginagamit sa pamamahagi ng droga.
Patuloy namang binibigyang-diin ng pulisya ang kanilang panawagan sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang tuluyang masugpo ang iligal na droga sa komunidad. Ang mga suspek ay kasalukuyang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165.









