--Ads--

CAUAYAN CITY – Dalawa ang patay, 4 ang nasugatan kabilang ang isang dating barangay kapitan sa insidente ng pagkalunod sa ilog at aksidente sa Isabela.

Patay ang welder na si Michael Sales makaraang malunod sa ilog.

Hinamon ni Sales ang kanyang mga kainuman sa may ilog na magpatagalan sa pagsisid ngunit hindi na siya nakaahon sa ilog hanggang matagpuan ang kanyang bangkay.

Nasawi naman ang 24 anyos na binatang si Joey Menor, residente ng Buena Suerte, Cauayan City matapos banggain ang  minamanehong kuliglig ni  Johnny Bunga, 34 anyos, residente ng Rang-ay, Cabatuan, Isabela.

--Ads--

Ang aksidente ay naganap dahil sa kawalan ng reflectorized sticker ng naturang kuliglig.

Nasugatan naman si dating barangay kapitan Ludovico Agustin, 65 anyos ng San Isidro, Cauayan City at 3 iba pa makaraang magbanggaan ang isang kolong-kolong at tricycle sa Barangay Sillawit.

Ang tsuper ng kolong-kolong ay si Saturnino Bareng, 77 anyos, magsasaka na residente ng Sillawit.

Ang tsuper ng nakabanggaan na tricycle si Mel Malgapo, residente ng Barangay District 3, Cauayan City.

Sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, pansamantalang huminto ang tricycle na minamaneho ni Bareng makaraan itong parahin ni Agustin dahil mayroon silang pag-uusapan.

Habang sila ay nag-uusap ay aksidenteng nabangga ni Malgapo ang likurang bahagi ng kulong kulong ni Bareng at nahagip din nito si Agustin.

Sa lakas ng pagbangga ay nahulog ang dalawang tsuper sa kanilang mga sasakyan na nagsanhi ng pakakasugat nila sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan kasama na si Agustin.

Napag-alaman na kaya napunta sa linya ng kulong kulong na minamaneho ni Bareng ang tricycle ni Malgapo ay dahil may iniwasan itong sasakyan na umagaw ng linya.

Bukod sa tatlo ay nasugatan din ang angkas ni Malgapo na si Jun jun Salvador, tatlumpu’t limang taong gulang, binata at residente ng District 3, Cauayan City.

Agad na tumugon ang Rescue 922 at dinala ang apat na nasugatan sa ospital upang malapatan ng lunas.